Si nanay ang pinakamaganda at pinakamabait na nanay sa buong mundo! haha syempre nanay ko un eh! Sige simulan muna natin sa pagkadalaga nya hangang maging asawa, ina, lola at isang matapang na humarap sa isang operasyon.
Ang aking nanay ay si Elenita Zapata Mariano. Kapampangan, tubong Minalin, Pampanga, pangalawa sa l2 magkakapatid, magaling kasi Lolo Dio ko. Saka noong mga panahong yun uso pa talaga ang maraming anak. May malaki pang lupang minana sa mga magulang kaya hindi siksikan sa bahay.Bilisan natin ng kaunti ha. Sa edad na labing pito nagsaawa na si Helen. AY bago ko makalimutan, Helen nga pala ang palayaw nya, dahil nga Kapampangan ung Elen naging Helen!
Dahil nga sa pagpana ni Kupido at sa pamatay na diskarte ng aking Tatay na si Henry, maagang pumasok sa buhay magasawa ang aking ina. Nagkaroon sya ng 4 na maria, sina Maila, Joecelyn, Eloisa at ako (ang pinakacute sa kanilang lahat!).
Hindi naging madali ang pagpapalaki nila ni Tatay sa aming lahat. Kailangan nila dumaan sa butas ng karayom para makatapos kami sa pag-aaral. Kinailangan ni Nanay na magtinda na kung ano ano. Hindi ko masyado kabisado ung iba pero susubukan ko maalala lahat, itama nyo na lamang kung may nakalimutan ako ha.
- Naging tagatinda siya ng mga kasangkapan, inaangkat nya un kina Quintos,ung bang tindahan ng mga muebles sa Apalit.
- Kasabay nun, nagkaroon din kami ng Sari-Sari Store sa bahay namin. Pero nawala ang tindahan ng ilang taon, simula yata yun nga umalis si Tatay papuntang Saudi.
- Nagtinda naman si nanay ng Yakult, alam nyo ba yun? Iyon yung pinapatalastas ngayon ni Gabby (di ko alam apelyido), ang linya nya lagi eh 'Okay ka ba Tyan?'
- Naglako din si Nanay ng mantika, suka, patis at toyo. Nakapedicab lang sya nun. Nilalako nya ung bahay bahay, hangang sa lumaki ng lumaki na ung negosyo nya at nakapagtayo na ulit sya ng Sari-sari Store.
Hanggang ngayon nakatayo pa din ang tindahan namin. Malaki na sya, hindi naman malaSupermarket pero malaki na sya sa isang probinsya.
May apo na rin ngayon si Nanay. 2 kay Ate Mai, 1 kay Ate Leng (sa April 9 ipapanganak ung 1) at 3 kay Ate Lala. Wala pa sa kin pero mukhang mas madami ang magiging apo nya sa kin, hahahaha! Mabait syang Lola pero istrikta din. Madalas nya mapagalitan si Simon pag makulit ito.
Maayos ang lahat ng bagay: Negosyo, Apo, Asawa at Anak (ehem ehem) bago sya nagkaroon ng Cyst (di ko alam kung may tagalog un) sa dibdib nya noong Setyempre nakaraang taon 2006. Nagsimula sya mag-alala tungkol sa kalusugan nya. Natatako kasi sya na baka Cancer un. Sina Lolo Dio at Lola Ating kasi Cancer ang kinamatay. Nag-alala sya kasi daw bata pa mga apo nya, (nyaaiks, hindi pa pwede no kasi naman wala pa nga sya apo sa kin eh).
Pumunta sya sa isang doktor sa Calumpit pero hindi kami nakuntento sa ginagawa nyang paraan. Hangang sa noong isang linggo, nagkaimpeksyon na ang bukol nya. Lubha na syang nag-alala pero hindi pa din nya pinapahalata. Ayaw nya ipakita sa amin na takot sya sa mangyayari. Isa pang kinatatakot nya ay yung gagastusin sa ospital.
Kaya nito lang lunes pumunta kami sa ospital Capitol Medical Center sa may Panay. At noong martes din tinanggal na ang bukol sa dibdib nya. Masaya kami kasi natanggal na ang bukol na yun. Maayos na ang kalagayan nya at maraming salamat sa lahat ng nanalangin at nagpalakas ng loob sa kanya. Salamat din kasi may tulong mula sa opisina kaya hindi malaki ang nagastos namin.
Nasa Calumpit na sya ngayon, kahit may pinapagaling ng sugat wala pa din syang pagod na nag-aalaga sa mga apo at sa negosyo. Syempre tinutulungan sya ng mga kapatid ko. Hindi sya pinagbubuhat, bawal kasi yun.
Sa bandang huli, kapag tinignan mo ang ganitong mga pangyayari maiisip mo na napakabuti ni Lord! Hindi nya pinabayaan si Nanay at kaming lahat. Alam Nya kasi kung gaano kaming lahat nakasandal sa kanya, ako ang mga kapatid ko at ang Tatay ko. Walang duda na Sya ang nagdala sa aming lahat sa ganitong situwasyon para makita namin ang kahalagahan ng bawat isa.
Sana kahit walang malaking mga pangyayari, pahalagahan natin ang bawat isa. Dahil sa bandang huli ang mahalaga lamang naman talaga ay ang buhay natin, ang lahat ng iba dagdag na lang ni Lord parang bonus!
Maligayang araw sa lahat.
1 comment:
wow... sana mabasa ni tit yan... hhmm at sana maging fully recovered na sya...
Post a Comment